Pinakamataas na flag pole sa bansa, sumailalim sa renovation

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2016 06:09 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Halos tatlong taon matapos isailalim sa isang major renovation ang flag pole sa harap ng Monumento ni Gat Jose Rizal sa Luneta, Maynila na ginastusan ng P7.8 million, muling binabakbak ngayon ang mga marmol sa pinaka-base o pundasyon ng 150-feet na flag pole.

Paliwanag ng South Manila District Engineering Office, bahagi ito ng re-installation ng mga tiles na isinasabay lamang sa beautification project ng National Parks Development Committee na siyang namamahala sa Luneta Park.

Ayon kay Engineer Mikunug Macud, lalagyan kasi ng mga ilaw ang pundasyon ng flag pole kaya kailangang bakbakin ang mga marmol dito.

Nagkakahalaga ang nasabing proyekto o ang pagsasa-ayos ng base ng flagpole ng P1,337,914.96.

Ang nakakuha ng kontrata para dito ay ang G.F Fabian Construction.

Ang orihinal na simula ng pagpapalit ng marmol ay noong January 20 subalit bahagyang naudlot ito dahil sa pagdating ng emperor at empress ng Japan kamakailan.

Sinabi ni Macud na tatagal lamang ang proyekto ng 30 araw.

Sa ngayon, binakuran na ng pulang yero ang palibot ng flag pole at nabakbak na rin ang halos kalahati ng pinaka-pundasyon ng flag pole.

Samantala, para sa mga naghahanap ng nawawalang monumento ng ilang bayahi sa Roxas Boulevard gaya ng sa yumaong Senador Ninoy Aquino at dating Antique Gov. Evelio Javier, nanatili ito sa pangangalaga ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at planong ibalik sa dati nilang mga pwesto sa Roxas Boulevard.

Ayon sa DPWH, hinihintay pa kasi ang pondo para sa pagsasa-ayos ng mga monumento sa baywalk at service road ng Roxas Boulevard.

Paliwanag ng DPWH, plano kasing gawing pare-pareho ng laki ng pundasyon ng mga ito bilang bahagi ng pag-sasaayos ng Roxas Boulevard.

- Radio dzMM, 4 February 2016