‘Pantawid ng Pag-ibig’: Tulong abot sa mga residente ng Ternate, Cavite

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 05:56 PM | Updated as of Apr 28 2020 08:22 PM

Isa ang Ternate sa mga napuntahan ng "Pantawid ng Pag-ibig" campaign ng ABS-CBN. ABS-CBN News

Paggawa ng patis ang isa sa mga pangunahing hanapbuhay sa Ternate, Cavite - na nananatili pa ring wala pang kaso ng coronavirus disease 2019. 

Gayunman, sakop pa rin sila ng enhanced community quarantine — dahilan para masapul ang kanilang mga negosyo. 

Kabilang sa mga umaaray si Nori Perez, na 45 taon nang gumagawa ng patis. Aniya, ngayon lang siya nahihirapan sa pagbenta ng paninda. 

Watch more in iWant or TFC.tv

"Noong nag-lockdown, syempre po hindi na kami makagala kasi may curfew," ani Perez. 

Kumikita ng higit P500 sa regular na araw ang mga gumagawa ng patis sa bayan. 

Umaaray man sa quarantine, sinisikap pa rin ni Perez na tumulong sa kapwa. 

Umaasa naman sa relief goods si Elizabeth Alcantara at ang kaniyang mister ngayong hindi sila nabigyan ng quarantine pass dahil mahina na umano ang kanilang katawan. 

Pero tuwing may darating na dobleng relief, mas minamabuti ni Alcantara na ibigay ito sa mga nangangailangan. 

"Para lahat po kami ay makakain, kahit tigkakaunti parepareho kami makatikim... Kasi po kung ano ang nararamdaman ko, nararamdaman din nila. Kung nagugutom ako, nagugutom din sila,” ani Alcantara.

Maging ang negosyanteng si Khalil Soberano, hindi nakakalimot na tumulong sa pamamagitan ng sariling relief operations. 

"Mahirap ‘yung ikaw kumakain ng kumpleto, tapos mga kababayan mo nagugutom… So kung ano kaya mo i-shell out from your own personal pocket, you can help others also,” ani Soberano. 

Isa ang Ternate sa mga napuntahan ng “Pantawid ng Pag-ibig” campaign ng ABS-CBN. Ayon sa mga nakatanggap ng ayuda, malaking bagay ang makatanggap ng tulong mula sa kampanya. 

"Kahit ganyan man ang bayan namin ay malayo, pinakadulo, fourth-class municipality, awa ng Diyos, ang aming Santo Niño hindi kami pinapabayaan,” ani Lamberto Bambao, alkalde ng Ternate. 

"Maraming salamat at nakakatulong sila para sa aming kagipitan... maraming-maraming salamat,” mangiyak-iyak na pahayag ni Alcantara. 

Nagpapasalamat ang ABS-CBN sa mga partner na nagpaabot ng kanilang tulong: 

  • CDO Foodsphere
  • Champion Detergent
  • Coca-Cola
  • Colgate Palmolive
  • Great Taste 3-in-1
  • Hana Shampoo
  • International Pharmaceuticals Inc.
  • Kopiko
  • Ligo Sardines
  • Lucky Me
  • Mega Sardines
  • Quick Chow Noodles
  • Rebisco
  • Safeguard

Kung nais tumulong sa kampanya, maaaring ipaabot ang tulong-pinansiyal dito: 

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.