Talent agent, arestado matapos umanong manghalay ng extra

ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2019 05:11 AM

MAYNILA - Inaresto ng mga pulis ang isang talent agent matapos ireklamo ng panghahalay sa isang extra sa loob ng isang apartelle sa Barangay Old Balara, Quezon City.

Kinilala ni Police Maj. Sandie Caparroso ng Batasan Police Station ang suspek na si Miles Franes, 29 anyos, na nage-extra rin sa telebisyon at pelikula.

Nahuli ang suspek habang nasa gitna ng taping ng isang teleserye.

Ani Caparroso, humingi ng tulong sa mga pulis ang 20 anyos na biktima matapos umano siyang halayin ni Franes.

Kuwento ng biktima, dinala siya sa isang apartelle para gumawa ng audition tape at photo shoot para sa isang indie film. Pinangakuan umano siya ng P15,000 talent fee kapag nakuha niya ang role. 

"Napaniwala ako kasi pinakita niya larawan ng ibang babae kaya 'di ako naghinala," aniya.

Sa kalagitnaan ng kanilang photo shoot ay pinaghubad siya at saka ginahasa. Tinakot pa umano siya na kapag hindi sumunod ay hindi niya makukuha ang proyekto.

"May pasa ako kakapuwersa niya sakin... nilalabanan ko po siya. 'Di na ako makahinga kaya tinadyakan ko siya," aniya.

Depensa naman ng suspek, bahagi ng trabaho nila bilang artista ang ginawa niya.

"Kung rape 'yun, bakit siya sasama? Hindi ko intention, related ito sa trabaho niya," aniya.

Panawagan ni Caparroso, mag-ingat sa ganitong modus at huwag basta magtiwala sa kahit sino man.

Kinasuhan na ng rape at paglabag sa Republic Act 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 ang suspek. - Ulat nina Jervis Manahan at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.