Pulis na nagtutulak ng droga timbog sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2019 12:38 PM

MAYNILA- Timbog ang isang pulis na nagtutulak ng ilegal na droga sa ikinasang buy-bust operation sa lungsod ng Makati nitong Biyernes.

Nakuhanan ng 5 sachet ng "shabu" na tinatayang nagkakahalagang P25,000 ang suspek na may ranggong Police Staff Sergeant sa buy-bust operation sa Barangay East Rembo.

Ayon sa pulisya, nakatalaga ang nasabing suspek sa Police Security and Protection Group.

Matapos maaresto, ginalugad din ang bahay ng suspek kung saan nakuha ang 2 baril, mga bala, mga timbangan, at iba pang drug paraphernalia.

Mahaharap sa kasong administratibo at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang naarestong pulis.

-ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.