Radio station ng pamilya ng vice mayor ng Kidapawan City, ipinapasara

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2019 11:49 PM

KIDAPAWAN CITY - Nasa 40 gusali at mga negosyo ang ipinapasara ng lokal na pamahalaan ng Kidapawan City.

Sa closure order na inilabas noong Abril 1, ipinasasara ng lokal na pamahalaan ang mga kainan, internet cafe, pribadong eskwelahan, department store, ospital, at radio station na umano'y walang business permit.

"Yearly namin ito ginagawa though yung iba sinasabi nag co-comply pero wala pa rin," ani Atty. Christopher Cabelin, legal counsel ng Kidapawan City.

Kabilang sa ipinapasara ang isang local radio station na pagmamay-ari ng asawa ni Kidapawan City Vice Mayor Bernardo "Jun" Piñol.

Ayon sa kaniya, inirerespeto niya ang kapangyarihan ng lokal na pamahalaan. Paliwanag niya, hindi nakapangalan sa kanila ang lupang kinatitirikan ng istasyon ng radyo.

"Ang kadahilanan ay ang lupa na tinitirikan ng radio station ng asawa ko ay hindi pa titled sa amin. At mahirap kausapin ang may-ari dahil nasa (United) States, because of that na-delay 'yung pag-comply ng requirement sa business permit. 'Yung negosyo ng asawa ko may DTI permit at may BIR," paliwanag ni Piñol.

Kumakandidato sa pagka-alkalde si Piñol. Makakalaban niya sa posisyon si incumbent Mayor Joseph Evangelista.

Naniniwala si Piñol na may kinalaman sa politika ang pagpapalabas ng closure order.

"Of course, dahil kung hindi 'yan bakit sila mag-press conference. Kung ikaw ang tama na mayor at may mga negosyante sa lugar mo na hindi naka comply ng mga requirement are you going to subject them to humiliation? Bakit hindi mo tulungan? Para sa akin clearly, surely, precisely at walang duda na politika, ang hangad ng kalaban ko na ipahiya ako. Sabi niya ako daw ang legislator yet hindi ako follower," aniya.

Giit naman ni Evangelista, walang kinalaman ang politika sa pagpapasara nila ng istasyon ng radyo ni Piñol dahil walang business permit at iba pang requirement ang nasabing istasyon.

"Di po issue dito ang politika, walang business permit, building permit at occupancy permit ang radio station nina VM Piñol. Forty closure orders ang napirmahan ko kasama ang radio station ni VM Piñol. The law applies to all, huwag siya magtago na politika ang dahilan," aniya.

Kasalukuyan pang inaalam ng lokal na pamahalaan ang iba pang mga negosyong walang business permit sa lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.