Pinoy na suspek sa pagpatay ng kapwa OFW, arestado sa Pampanga

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2019 10:24 PM

Naaresto na ang isang dating overseas Filipino worker (OFW) na suspek sa pagpatay sa kapwa OFW sa South Korea noong 2016.

Arestado si Yugoslav Magtoto sa Pampanga matapos ilabas ng Manila Regional Trial Court Branch 20 ang provisional warrant of arrest kasunod ng kahilingan ng South Korea International Criminal Affairs Division.

Natagpuan ang kalansay ng biktimang si Angelo Claveria noong Abril 2018 sa loob ng isang septic tank ng pagawaan ng pintura sa South Korea at naiuwi sa kaniyang pamilya sa Iloilo.

Natukoy ng Korean authorities na si Magtoto ang suspek matapos mabisto na tinangay ng suspek ang wallet ng biktima at ginamit nito ang debit card at nagwithdraw ng nasa halos P50,000.

Lumabas sa imbestigasyon na dating magkatrabaho sina Magtoto at Claveria sa South Korea at ang biktima ay nagdesisyong lumipat ng trabaho nang malaman na nagkakagusto sa kaniya ang suspek.

Pero bago makalipat ng kumpanya ang biktima ay niyaya ito ng suspek malapit sa pagawaan ng pintura kung saan niya umano ito pinatay.

Nakatakdang ibiyahe pa-South Korea ang suspek para harapin doon ang kaniyang kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.