Magkapatid na mayor, vice-mayor sa Cebu, huli sa 'di lisensiyadong baril, bala

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2019 09:20 PM | Updated as of Apr 04 2019 09:48 PM

SAN FRANCISCO, Cebu - Arestado nitong Huwebes ang magkapatid na mayor at vice-mayor ng bayan na ito sa Camotes Island matapos makuhanan ng mga walang lisensiyang baril, bala at explosibo.

Sa bisa ng isang search warrant, pinasok ng Provincial Intelligence Branch ang ancestral house ng pamilya Arquillano sa Barangay Poblacion sa San Francisco sa Camotes Island.

Arestado si San Francisco Mayor Aly Arquillano at Vice Mayor Alfredo Arquillano Jr. matapos makuha sa kanilang kuwarto ang isang magazine ng caliber .45 pistol, isang live ammunition ng 9mm caliber pistol, isang caliber .22 rifle, isang magazine ng .45 caliber pistol na may pitong live ammunition, isang caliber .45 pistol na may limang live ammunition, isang AR-15 rifle at isang hand grenade. 

Pawang walang mga lisensiya ang mga nasabing armas.

Ayon sa hepe ng Drug Enforcement Unit ng Cebu Provincial Police Office na si Police Capt. Alejandro Batobalonos, may natanggap na silang ulat na may mga private goons ang magkapatid. 

Nakatanggap din sila ng report na nagtatago ng mga walang lisensiyang mga baril ang magkapatid.

Tikom ang bibig ng magkapatid sa nangyaring pag-aresto.

Kapwa kandidato sa darating na halalan ang magkapatid sa magkapalit na puwesto. Si Mayor Aly ay tatakbo bilang vice mayor at si Vice Mayor Alfredo ay tatakbo sa pagka-mayor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.