Mag-ama patay sa pamamaril sa Zamboanga City

Noning Antonio, ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2019 09:21 PM

ZAMBOANGA CITY - Patay ang mag-ama matapos pagbabarilin ng kanilang kaanak sa Barangay Sinunuc sa lungsod nitong Huwebes ng hapon.

Nakilala ang mga biktima na sina Amirul Amilbangsa, 60, at ang kaniyang anak na si Bensal, 42.

Nagtamo ng tama ng bala ang mga biktima na agad nilang ikinamatay.

Isinugod sa ospital ang isa pang sugatan na napag-alamang bumisita lamang sa bahay ng mga biktima.

Lumabas sa paunang imbestigasyon na nag-iinuman umano ang mga biktima at ang suspek nang magkaroon ng pagtatalo. Hindi pa matukoy kung ano ang sanhi ng kanilang pagtatalo.

Bumunot umano ng baril ang suspek na nakilala sa pangalan na Mohammad at binaril ang mga biktima.

Wanted din ang suspek sa pagpatay sa isang retiradong pulis noong Enero sa Zamboanga. Nagtago umano ito sa bahay ng mga mag-ama na kinalaunan ay pinatay din niya.

Patuloy na tinutugis ng pulisya ang suspek. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.