'Dredging vessel sa Lobo walang permit'

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2019 09:10 PM

Walang umanong local permit para magsagawa ng dredging operations ang dredging vessel na may ilang Chinese crew at dumaong sa Lobo River sa Batangas.

Ayon kay Lobo Mayor Jurly Manalo, walang pahintulot na magsagawa ng dredging ang kompanyang Seagate Engineering and Building Systems, na may hawak ng barkong MV Emerald.

Hindi rin daw sapat ang environmental compliance certificate para gumawa ng dredging operations at kinakailangan pang kumuha ng permit mula sa lokal na pamahalaan ang kompanya.

Dapat aniyang dumaan sa Department of Agrarian Reform, Department of Labor and Employment, at Department of Public Works and Highways ang pagkuha ng permit.

"'Yan po ay dadaan sa agency na 'yan para kayo ay mabigyan ng permit ng munisipyo. Kami po ang magbibigay ng pahintulot kung kayo ay papayagan," ani Manalo.

KONTRATA 'OUTDATED'

Bukod pa rito ay outdated ang kontratang ipinapakita ng Seagate sa kanila, at iba na rin ang nakakontrata ng Lobo sa pagsasagawa ng operations.

Ani Manalo, nagsabi ang Seagate na ipinagkaloob sa kanila ng lokal na pamahalaan noong 2008 ang kontrata para sa dredging sa katubigan.

Pero iginiit niya na wala namang naumpisahang trabaho ang barko.

Noong 2012 ay kinontrata raw ng Lobo local government ang FS Suntan, noong hindi pa naihahalal na alkalde si Manalo.

Nang ihalal si Manalo, nirepaso niya ang kontrata ng FS Suntan at nagpasyang sundan na lamang ito.

Nakita niya rin kasing malaki ang maitutulong ng dredging project para maalis ang baha sa kanilang lugar.

Nagtaka na lang aniya siya sa pagsulpot ng Seagate na gustong magsagawa ng dredging kahit hindi sumunod sa requirements at walang business permit mula sa munisipyo.

Bukod pa rito aniya ay may epekto ito sa Verde Island Passage - isang marine protected area sa Lobo - na posibleng masira dahil sa ginagawang dredging.

Dahil dito nanawagan muli si Manalo sa Seagate na paalisin na ang kanilang barko sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.