Trabahong naghihintay sa mga OFW sa HK, posibleng mawala dahil sa travel ban

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2020 12:59 PM | Updated as of Feb 06 2020 01:18 PM

MAYNILA - Nananawagan ang ilang mga Pilipino na ikonsidera ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagpayag sa pagbiyahe pabalik ng mga kababayan sa Hong Kong at Macau sa kabila ng travel ban dahil sa nakahahawang sakit na coronavirus.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Yan ang ipinapanawagan namin sa gobyerno na sana payagan naman na makapunta sa Hong Kong at sa Macau 'yung ating mga OFWs o kaya mga Pilipino na mga residente dito sa Hong Kong at sa Macau at saka mga estudyante," pahayag ni Eman Villanueva, chairman ng Bayan Hong Kong and Macau.

Sa panayam sa DZMM Huwebes ng umaga, ipinaliwanag ni Villanueva na hindi naman sila pupunta ng Hong Kong para magbakasyon kung 'di magtrabaho.

"Mawawalan ng trabaho ang iba kasi hindi makakahintay 'yung ibang employer at posibleng ma-terminate ang kanilang kontrata. Kawawa naman ang mga pamilya nila, mawawalan ng trabaho kanilang mga kamag-anak," sabi ni Villanueva.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ganito rin ang paniwala ni Michael Vincent, isang Pilipinong broadcaster sa Hong Kong. 

Ayon sa kaniya, naiintindihan naman ng mga employer sa Hong Kong ang dahilan kung bakit nag-atas ng travel ban ang Pilipinas.

Pero malaking posibilidad rin na mawalan ng trabaho ang mga Pilipino kapag hindi na makapaghintay sa kanilang pagbalik ang kanilang mga employer.

"May mga kilala tayong hindi naman OFW pero mga residente po na sila ay lumipad mula Manila patungong Singapore tapos from Singapore to Hong Kong. Nakipagsalaparan na sila," sabi niya.

Dalawang Pilipina na nagtatrabaho bilang domestic helper ang naka-quarantine na ngayon sa Hong Kong.

Ang unang Pinay ay nahawahaan ng kaniyang 2 employer na tumanggap ng bisita mula sa Wuhan City, China. Ang ikalawang Pinay naman ay sumasailalim sa quarantine matapos na mamamatay ang kaniyang employer.

"Ang kagandahan sa 2 case na ito parehong walang simptomas, walang mga signs. Pero dahil bahagi ng protocol, tiyakin na sila ay hindi nahawaan kina-quarantine na sila for 14-days," sabi ni Villanueva.

Samanatala, binatikos din ng grupo ni Villanueva and panawagan ng labor department sa Hong Kong sa mga domestic helpers na huwag munang lumabas ng bahay o mag day-off.

"Unfair naman, kasi 'yun na nga ang kaisa-isang rest day tapos hindi palalabasin pero araw-araw pinalalabas, pinamamalengke, pinapipila sa mga pharmacy para pabilihin ng facemask ng mga amo pero pag dayoff niya 'di siya palalabasin? Hindi naman tama," sabi ni Villanueva.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Vietnam, kanselado ang pasok sa mga eskuwelahan dahil sa banta ng 2019-nCoV, ayon kay Prof. Jonie Escasinas.

"One week lang po tapos balik na sa normal ang klase from kinder to college," sabi ni Escasinas.

Ipinagpapasalamat ni Escasinas na wala pang Pilipino ang nagpositibo sa sakit sa Vietnam.

"Wag naman po sana," sabi ni Escasinas na may 5 taon nang guro sa Vietnam.

Kuwento din ng guro na nagkakaubusan na rin ng facemask at maging ng alcohol.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.