5-taong-gulang nahuling nagmamaneho sa US pa-California

ABS-CBN News

Posted at May 07 2020 07:53 AM | Updated as of May 07 2020 08:12 AM

LOS ANGELES - Nagulat ang isang pulis matapos sitahin ang akala niya'y may kapansanang driver, para lang mapag-alamang isang 5-taong-gulang ang nasa likod ng manibela.

Umalis ng bahay ang paslit nitong Lunes matapos makipagtalo sa kaniyang ina na tumangging bilhan siya ng Lamborghini, ayon sa Utah Highway Patrol.

"He decided he'd take the car and go to California to buy one himself," the Highway Patrol said in a tweet. "He might have been short on the purchase amount, as he only had $3."

(Nagpasya siyang i-drive ang kanilang kotse pa-California para bumili ng Lamborghini. Mukhang kulang ang dala niyang pero, dahil meron lang siyang $3.)

Sa dashcam video na inilabas ng Highway Patrol, makikitang nilalagpasan ng mabibilis na truck at iba pang sasakyan sa freeway ang SUV na minaneho ng bata.

Tumabi sa gilid ng highway ang sasakyan matapos paganahin ng officer na si Rick Morgan ang kaniyang wang-wang. Nagtaka ito nang hindi makita ang ulo ng driver mula sa rear window.

Maririnig si Morgan sa video na tinatanong ang edad ng bata.

Aniya, "You're 5 years old? Wow... Where did you learn how to drive a car?"

Nakapagmaneho ng nasa 3 hanggang 5 kilometro ang bata bago nasita ng mga awtoridad at na-contact ang kaniyang mga magulang, ayon sa Highway Patrol.

Inutusan umano ng mga magulang ang nakakatandang kapatid ng bata na bantayan siya. Pero nakatulog ang tagabantay at kinuha ng bata ang susi ng SUV mula sa isang hook sa kanilang bahay.

Walang nasaktan at ari-ariang nasira dahil sa insidente.

-- Isinalin sa Filipino mula sa ulat ng Agence France-Presse