Imahen ng Itim na Nazareno sa Laoag City, dumudugo ang mukha?

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2019 01:39 AM

May lumalabas umanong dugo sa mukha ng isang imahen ng Itim na Nazareno sa Laoag City. Grace Alba, ABS-CBN News

LAOAG CITY - Usap usapan sa Barangay 2, Laoag City ang isang imahen ng Poong Itim na Nazareno na umano'y dumudugo ang mukha.

Ikinagulat ng debotong si Merceditas Jose nang makita niya ang mukha ng kanilang imahen ng Itim na Nazareno noong Linggo. 

"Nakita ko siyang duguan ang noo niya. Talagang para akong lukaret, maloloka ako dahil hindi ko ine-expect na ganun makikita lo sa mukha niya," ani Jose.

Limang taon nang caretaker ng imahen si Jose. Pagmamay-ari ng kaniyang tiyahing nasa Australia ang nasabing imahen, na binili nila sa Maynila. Labing-limang taon nang nasa kanila ang imahen.

Ikinagulat rin ng ilang mga kabarangay ni Jose ang umano'y pagdugo ng mukha ng imahen.

"Hindi naman ganyan itsura dati," ani Clarita Domingo, deboto at residente.

Iginagalang naman ng Simbahang Katolika ang pinaniniwala ng mga deboto. Pero paliwanag ng Simbahan, bago ituring at mapatunayang milagro, kailangan itong dumaan sa malalim at mahaba-habang pag-aaral o imbestigasyon.

"It has to pass through a thorough investigation kasi may mga natural occurrences na kung minsan hindi natin ma-explain and usually may investigation committee kasi na comprised ng mga pari, mga doctor, psychologist, psychiatrists, for the Church to be able to declare na may miracle," paliwanag ni Msgr. Joey Ranjo, spokesperson ng Diocese of Laoag.

Para sa mga deboto, ang mahalaga sa kanila’y napapatibay at napapalalim nito ang kanilang debosyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.