Dagdag-singil sa kuryente nagbabadya ngayong Abril: Meralco

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2019 09:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May namumurong dagdag sa singil ng kuryente ng Meralco sa Abril, sabi ngayong Huwebes ng tagapagsalita ng power distribution company.

"'Yong initial view namin, mayroong mga kaunting pagtaas sa adjustment sa spot market but I'll have to validate that further," ani Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.

Sa Lunes iaanunsiyo ang magiging galaw sa singilan para sa April bill ng Meralco.

YELLOW ALERT

Samantala, sa ika-4 na sunod na araw, itinaas muli ang yellow alert sa Luzon grid na nangangahulugang manipis ang reserbang kuryente.

Maraming planta kasi ang pumalya at ang iba naman ay nagbabawas sa produksiyon ng kuryente.

Pero tiniyak ng Department of Energy (DOE) na sapat pa rin ang suplay ng kuryente sa buong tag-init at hindi ito mauuwi sa brownout.

"Wala po tayong nakikitang power interruption base sa supply kahit may yellow alert," ani Energy Undersecretary Wimpy Funetebella.

Hindi man mag-brownout, dagdag-presyo rin ang maaaring idulot ng yellow alert sa mga konsumer dahil kinukumpirma ng market operator na tumataas ang presyo ng kuryente sa sport market.

Kung dati ay naglalaro lang sa P3 hanggang P5 kada kilowatt hour (kWh) ang bentahan, may ilang oras na pumalo ito sa P32 kada kWh.

"So ngayon nagkakaroon tayo ng yellow alert, 'yong natural tendency ng prices is to increase in prices," ani Independent Electricity Market Operator of the Philippines Inc. assistant manager Andrea Caguete.

"However mayroon po tayong mechanism sa market para hindi naman unreasonably high 'yong prices natin," ani Caguete.

Tiniyak naman ng DOE na may parusa ang mga plantang biglaang pumalya at hindi raw dapat ipasa ang monetary penalty sa taumbayan.

Sa electricity bill sa Mayo pa sisingilin ang apat na araw na sunod-sunod na yellow alert.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.